Higit sa P4 milyong halaga ng pinaghihinalaang shabu ang nasabat ng mga awtoridad sa ikinasang anti-drug operation sa lalawigan ng Lanao del Sur.
Ayon kay Police Col. Robert Daculan, provincial director ng Lanao del Sur Police Provincial Office (LDSPPO), bukod sa iligal na droga, anim na katao rin ang nalambat sa buy-bust operation sa Barangay Biaba Damag sa Marawi City.
Ikinubli muna ni Col. Daculan ang pagkakilanlan ng naarestong mga suspek na kinabibilangan ng tatlong lalaki at tatlong babae.
Nasamsam ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang 600 gramo ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalga ng P4,080,000; isang sasakyan; dalawang P1,000 bill na marked money; P300,000 boodle money; isang eco bag; dalawang keypad cellular phone; at apat na identification card.
Pinuri naman ni Police B/Gen. Allan Nobleza ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ang mga police operative dahil sa kanilang matagumpay na operasyon.
Ang natimbog na mga suspek ay pansamantalang nakapiit ngayon sa detention cell ng Marawi City Police Station para sa tamang disposisyon.| ulat ni Lesty Cubol| RP1 Zamboanga