Hindi pa rin ramdam sa San Juan City ang epekto ng tigil-pasada ng grupong MANIBELA, dalawang araw mula nang ilunsad ito.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, nananatiling normal ang sitwasyon partikular na sa mga kalye ng N. Domingo, F. Blumenttrit at P. Guevarra.
Wala ring namataang mga stranded na pasahero sa kahabaan ng mga nabanggit na kalsada.
Hindi gaya ng mga naunang tigil-pasada, tahimik at walang ikinasang programa ang grupo habang ang iba pang miyembro nito ay tahimik na naggarahe ng kanilang mga jeepney.
Samantala, iniulat naman ni Metropolitan Manila Development Authority o MMDA Acting Chairperson, Atty. Don Artes na para sa pangkalahatan, walang epekto ang tigil-pasada ng MANIBELA.
Bagaman nag-deploy naman sila ng libreng sakay, limitado pa rin ito upang mapagbigyan ang iba pang mga hindi lumahok sa transport strike na makapamasada. | ulat ni Jaymark Dagala