Namahagi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng Livelihood Settlement Grants (LSG) sa mga indibidwal na apektado ng Bagyong Egay sa Mt. Province.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, nasa 500 mga benepisyaryo ang nakatanggap ng tig-P20,000 na livelihood grants sa isinagawang payout activities ng DSWD Field Office Cordillera Administrative Region.
Ani Dumlao, karamihan sa mga benepisyaryo ay mga magsasaka at micro-enterprise owners na mula sa munisipalidad ng Bauko, Barlig, Besao, Bontoc, Paracelis, Sabangan, at Tadian.
Layon naman ng naturang livelihood grants na makatulong sa mga komunidad na makarekober sa pananalasa ng bagyo at magbigyan ng kapital upang makapagsimula ng negosyo. | ulat ni Diane Lear