Hawak na ngayon ng mga awtoridad ang isa sa mga suspek sa madugong pagpapasabog sa loob ng campus ng Mindanao State University (MSU) sa Marawi City noong Linggo, December 3.
Ito’y ayon kay Armed Force of the Philippines o AFP Public Affairs Office Chief, Colonel Xerses Trinidad, makaraang masukol ng mga awtoridad si Jafar Gamo Sultan, alyas Jaf at Kurot.
Batay sa ulat, naaresto si Sultan sa ikinasang operasyon ng mga tropa ng Joint Task Force Marawi gayundin ng Marawi City Police Office nitong December 6 sa Barangay Dulay Proper sa Marawi.
Si Sultan ay kasamahan ng isang alyas Omar, na siya namang tinukoy ng mga testigo na nagdala ng improvised explosive device sa Dimaporo Gymnasium habang nagsasagawa ng isang misa.
Lumalabas kasi sa inisyal na imbestigasyon, kabilang si Sultan sa mga kasabwat sa pagpapasabog.
Iniulat din ni Trinidad na narkober din nila ang dalawang motosiklo sa isinagawang operasyon habang patuloy pa ring tinutugis ang iba pang mga suspek sa pagpapasabog. | ulat ni Jaymark Dagala