Ipinag-utos ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang pagbawi ng business permit sa clothing company na BNY dahil sa pagkakasangkot nito sa investment o pagpapautang.
Ayon kay Sotto, limitado lamang kasi sa pagiging wholesaler ang ipinagkaloob na permit sa BNY at hindi naman ito rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) bilang investment o lending company.
Dagdag pa ng alkalde, tatlong beses nilang sinubukang ihatid ang show cause order laban sa BNY subalit walang humarap sa kanila kahit isa man lang sa kinatawan nito.
Magugunitang noong nakalipas na linggo, kaliwa’t kanang reklamo ang ipinarating sa Pasig City Police Office ng mga nabiktima ng inirereklamong kumpanya.
Anila, hinikayat silang maglagak ng puhunan sa pangakong malaki ang kanilang kikitain subalit wala namang bumalik sa kanila.
Bagaman tumanggi muna si Sotto na ilabas ang iba pang detalye sa imbestigasyon, hiniling na rin nila ang tulong ng Philippine National Police (PNP) gayundin ng National Bureau of Investigation para sa pagkakasa ng malalimang imbestigasyon. | ulat ni Jaymark Dagala