Pinag-iingat ng Department of Migrant Workers (DMW) ang publiko hinggil sa naglipanang mga Technical Vocational Institution (TVI) na nangangako ng trabaho sa ibayong dagat na hindi naman awtorisado ng pamahalaan.
Ito’y makaraang salakayin at ipasara ng DMW ang Match Trend Training Assessment Center na matatagpuan sa Biak na Bato St. Quezon City.
Pinangunahan ni Migrant Workers Officer-In-Charge, USec. Hans Leo Cacdac kasama ang kanilang Migrant Workers Protection Bureau ang pagpapasara sa naturang training center.
Nabatid na iligal na nag-rerecruit ang Match Trend ng mga Pilipinong magsasanay sa kanila bilang caretaker at nangangakong ipadadala sila sa Taiwan para magtrabaho.
Ayon kay Cacdac, hindi rehistrado ang Match Trend bilang recruitment agency at hindi rin ito accredited assessment center sa TESDA para magsanay ng mga caretaker.
Nag-ugat ang operasyon matapos dumulog sa DMW ang mga biktima ng Match Trend na pinangakuanng trabaho pero hiningan naman ng P300,000 training fee at P6,000 enrollment fee.
Ayon sa mga biktima, sakaling makatapos anila sila ng pagsasanay, hinihingan pa sila ng processing fee ng kanilang foreign employer na nagkahalaga ng P40,000 hanggang P45,000. | ulat ni Jaymark Dagala