Kasama ang ilang doktor at rescue dogs ay nagmartsa ngayong araw ang mga kinatawan ng animal welfare group na PAWS at Environmental Health Group na EcoWaste para ipanawagan ang pag-iwas sa paggamit ng paputok na hindi lang mapanganib sa tao, kundi maging sa mga alagang hayop at kalikasan.
Nag-ikot ang grupo sa paligid ng SM North Edsa sa Quezon City bitbit ang mga placard na may mensahe tungo sa ligtas na pagsalubong ng Bagong Taon.
Nagkaroon din ng programa kung saan itinuro ang ilang paraan kung paano magiging ligtas ang mga alaga sa pagsalubong ng bagong taon gaya ng pagsusuot ng ‘calming wrap’.
Ayon kay Sharon Yap, Education and Campaigns Officer ng PAWS, nagdudulot ng trauma at labis na stress sa mga hayop gaya ng aso at pusa ang malakas na tunog na dulot ng mga paputok. Bukod dito, nagdudulot rin aniya ang paputok ng problema sa respiratory health at anxieties sa mga alagang hayop.
Sa panig naman ng EcoWaste, patuloy na hinihimok nito ang publiko na gumamit nalang ng alternatibong pampaingay na hindi nakakapagparumi ng hangin at kapaligiran. | ulat ni Merry Ann Bastasa