Nagpulong si AFP Western Mindanao Command (WestMinCom) Chief Lt. General William Gonzales at Bangsamoro Autonomous Region (BAR) Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim para talakayin ang pagpapalakas ng security operations sa rehiyon.
Ang high-level security meeting kasama ang mga military commander sa rehiyon at senior ministers ng BAR, ay isinagawa kahapon sa Cotabato City.
Pangunahing tinalakay ng mga opisyal ang agresibong kampanya laban sa mga local terrorist group sa rehiyon, partikular ang sabayang pagtugis sa mga responsable sa pambobomba sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City.
Kasama din sa mga tinalakay ang pagpapalakas ng Regional Peace and Order Council; ang “activation” ng Bangsamoro Task Force in Ending Local Armed Conflict (BTF ELAC); ang pagpapabilis ng “normalization process” partikular ang decommissioning program; at ang pagtatatag ng Reformation Centers sa rehiyon para sa rehabilitasyon, de-radicalization, at counseling ng mga dating ekstremista.
Nagpasalamat naman si Chief Minister Ebrahim sa pagharap sa kanya ng malaking grupo ng military commanders para makipagdiyalogo. | ulat ni Leo Sarne