Welcome para kay House Appropriations Committee Chair Elizaldy Co ang bersyon ng panukalang 2024 national budget na inaprubahan ng Bicameral Conference Committee.
Para kay Co, ang 2024 budget ay isang anti-inflation at pro-poor na pondo kung saan tinutukan ang pagkain, trabaho, kalusugan, edukasyon at pabahay.
Ipinagpasalamat din nila ang pag-sang-ayon ng senado na alisin na ang confidential at intelligence fund ng civilian agencies at ilagay sa mga ahensya na may kaugnayan sa national security.
Dahil dito, napawi ang haka-haka ng ilan na maaaring maibalik din ang kontrobersyal na CIF sa bicam.
“Masaya din kami na tuluyan nang natanggal ang Confidential and Intelligence Funds na alam nating source ng corruption. Salamat sa aming Senate counterparts at sinuportahan nila ang proposal naming alisin ang CIF at ilagay sa mga agencies na related sa national security.” sabi ni Co.
Katunayan isa aniya sa hakbang ngayon ng pamahalaan ang pagpapalakas sa ating sandatahang lakas dahil na rin sa isyu sa West Philippine Sea.
Kabilang na aniya dito ang pagtatayo ng dagdag na istruktura malapit sa Ayungin Shoal.
Kabuuang P1.23 billion na confidential at intelligence fund ang inilipat ng Kamara sa security agencies na siyang kinatigan ng Senado.
Mamayang hapon ay inaasahang raratipikahan na ng Kamara ang bicam report ng 2024 General Appropriations Bill upang tuluyan nang maiakyat sa tanggapan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. | ulat ni Kathleen Jean Forbes