Hindi tumitigil ang Philippine National Police (PNP) sa kanilang kampaniya kontra ‘loose firearms’ lalo’t maaari itong gamitin ng ilang pasaway para sa pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon.
Bahagi na rin ito ng pagtutok ng pulisya sa mga maitatalang kaso ng ‘indiscriminate firing’ kung saan ilang buhay ang nasasayang at pamilyang nagluluksa sa pagpapalit ng taon.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, P/Col. Jean Fajardo, mula Enero 1 hanggang Disyembre 15 ng kasalukuyang taon, pumalo na sa 44,652 na mga baril ang kanilang nakumpiska at isinuko sa kanila.
Karamihan sa mga ito aniya ay mga baril na inilagak sa kanilang kustodiya nitong nakalipas na Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) elections nitong Oktubre.
Kasunod nito, sinabi ni Fajardo na aabot sa 8,834 na indibidwal ang kanilang naaresto sa kaparehong panahon dahil sa pag-iingat ng mga hindi lisensyadong baril.
Samantala, mahigpit namang inatasan ni PNP Chief, P/Gen. Benjamin Acorda Jr. ang kanilang mga tauhan na huwag gamitin ang kanilang mga armas sa pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon dahil mahaharap sila sa kaukulang parusa at maaari pang makulong.
Sa ngayon, hinihintay na lamang ang kautusan ni PNP Chief Acorda kung ipagpapatuloy ang pagseselyo ng mga baril sa mga pulis na nahinto noong panahon ni dating PNP Chief at ngayo’y Sen. Ronald Bato dela Rosa. | ulat ni Jaymark Dagala