Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na hindi totoong pulis ang lalaking tampok sa isang viral video sa social media kamakailan.
Ito’y ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo, matapos ang kanilang ginawang verification mula sa Land Transportation Office (LTO) hanggang sa Directorate for Personnel and Records Management (DPRM).
Magugunitang batay sa Facebook page ng uploader ng video, sinasabing nangyari ang insidente sa kahabaan ng C-5 sa Taguig City, alas-11:30 ng umaga noong November 24.
Batay sa salaysay ng driver ng trailer truck, galit na galit siyang pinara at sinita ng lalaking nagmamaneho ng SUV dahil nagitgit niya raw ito.
Nang lumapit na ang lalaki sa kaniyang sasakyan, pilit umano nitong kinukuha ang kaniyang lisensya at nagpakilala pa siyang pulis.
Pero depensa ng driver ng truck, pilit daw niyang iniiwasan ang SUV dahil sa lagi itong gumigitna sa kalsada.
Una nang sinuspinde ng LTO ang lisensya ng naturang lalaki sa loob ng 90 araw.
Sa panig naman ng PNP, sinabi ni Fajardo na hindi maaaring kumuha ng lisensya ang sinumang sibilyan lalo’t kung hindi ito bahagi ng unipormadong hanay.
Kaya naman hinikayat nila ang truck driver na maglahad ng sinumpaang salaysay at maghain ng reklamo laban sa kaniyang nakaalitan. | ulat ni Jaymark Dagala