Wala pang makuhang pagkakakilanlan ang Quezon City Police District Traffic Sector 5 sa lalaking namatay kaninang umaga, matapos mabundol ng motorsiklo sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Tanging ang pagkakakilanlan lamang sa namatay ay ang suot nitong itim na t-shirt at itim na short na may red line.
Batay sa ulat, tumatawid ang hindi kilalang lalaki sa Commonwealth Avenue northbound lane sa harap ng Wilcon Depot, Brgy. Old Balara nang mabundol ng motorsiklo at namatay noon din.
Dahil sa malakas na pagkakabangga, tumilapon din ang rider ng motorsiklo na si John Paul Ecos Mangiral, 25, ng Camarin Caloocan City.
Patuloy na inoobserbahan ang kanyang kondisyon sa East Avenue Medical Center.
Ayon sa traffic investigator mahaharap pa rin ang rider ng kasong reckless driving resulting in homicide. | ulat Rey Ferrer