Nakaantabay pa rin ang mga Libreng Sakay ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon upang umalalay sa mga posibleng maapektuhan ng patuloy na tigil-pasada ng ilang transport group bilang pagtutol sa jeepney modernization.
Kasunod ito ng anunsyo ng grupong MANIBELA at PISTON ng muling magsasagawa ng tigil-pasada simula ngayong araw, December 18, hanggang December 29, 2023.
Ayon sa Malabon bilang tugon sa tigil-pasada ay muli itong magde-deploy ng mga rescue vehicle para magbigay ng libreng sakay.
Kabilang rito ang mga sasakyan ng LGU at pati na truck ng Malabon DRRMO o Disaster Risk Reduction and Management Office.
Kasunod nito, hinikayat ng LGU ang mga mai-stranded na commuter na mag-text o tumawag sa Malabon Command Center sa mga sumusunod na numero:
09423729891 / 09190625588 / 89216009 / 89216029
Samantala, patuloy rin ang panawagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa lahat ng nagsasagawa ng kilos-protesta na iwasan ang panggigipit sa kanilang mga kapwa tsuper para lamang makasama sa kanilang welga.
Una nang nanindigan ang LTFRB na wala nang extension sa deadline na December 31 para sa franchise consolidation. | ulat ni Merry Ann Bastasa