Inatasan na ngayon ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang lahat ng regional directors na maglatag na ng road safety at assistance measures kasabay ng inaasahang bugso ng mga biyahero ngayong holiday season.
Ayon kay Asec. Mendoza, ngayon pa lang ay ramdam na ang dagdag na bilang ng mga sasakyan sa Metro Manila at inaasahang lalo pa itong madadagdagan habang papalapit ang Pasko hindi lamang sa NCR kung hindi pati na rin sa urban areas sa buong bansa.
Dahil dito, nagbigay na ito ng direktiba sa lahat ng regional office na tutukan ang pag-alalay sa mga motorista kasama na ang mga pasahero sa transportation hubs gaya ng airports at bus terminals pati na sa major thoroughfares sa bansa.
Inatasan din nito ang regional directors na makipag-ugnayan sa Philippine National Police at iba pang local government units sa pagtukoy ng mga accident-prone areas upang magabayan ang mga motorista at hindi na rin maulit pa ang nangyaring trahedya sa Antique.
Una nang sinabi ng LTO na hindi muna ito maghihigpit ngayong magpapasko sa pagpapatupad ng ‘No Registration, No Travel’ policy. | ulat ni Merry Ann Bastasa