Dismayado si ANAKALUSUGAN Party-list Representative Ray Reyes sa napaulat na pagtanggal sa higit 80,000 barangay health workers (BHW) na walang due process, matapos magkaroon ng mga bagong kapitan kasunod ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Aniya, mga ganitong insidente ang nagpapakita ng pangangailangan para sa isang batas na po-protekta sa mga BHW.
Kaya naman nanawagan si Reyes sa Senado na gawing prayoridad ang Magna Carta for Barangay Health Workers (BHWs).
December 12, 2022 pa napagtibay ng Kamara ang bersyon nila ng naturang panukala at isa sa mga priority legislation ng administrasyong Marcos.
Nakapaloob sa panukala ang pagbibigay ng P3,000 buwanang honorarium, hazard, transportation, at subsistence allowances, one-time retirement cash incentive, health benefits, vacation at maternity leaves, GSIS insurance at cash gift.
Nakasaad din dito na ang mga BHW na nakapagserbisyo ng limang taon na walang putol ay bibigyan din ng first grade Civil Service Eligibility, at bibigyang pagkakataon din na sumailalim sa trainings. | ulat ni Kathleen Forbes