Aabot na sa mahigit 400 mga pamilya ang apektado ng Tropical Depression Kabayan sa Davao Region, partikular sa Davao Oriental at Davao de Oro.
Ayon kay Office of Civil Defense XI Ragional Director Ednar Dayanghirang, sa inisyal na report ng ahensya, karamihan sa mga inilikas ay mula sa bayan ng Cateel, Caraga at Manay sa Davao Oriental, at New Bataan sa Davao de Oro.
Batay sa report ng OCD, nasa iba’t ibang evacuation areas na ang nasa 411 na pamilya o 1,833 na mga indibidwal dahil sa matinding baha na nararanasan sa Brgy.. Pichon sa Caraga, at Brgy. Central sa Many.
Batay naman sa report ng Davao Oriental Provincial Government, nagcollapse din ang Lamiawan Bridge na nag-uugnay sa Barangay Pichon at Problacion kaya na-isolate ang komunidad ng tribung Mandaya doon.
Samantala, may ilang residente naman ang inilikas sa Barangay Tandawan sa New Bataan sa Davao de Oro dahil sa landslide.
Hindi rin madaanan ang Tandik Bridge na nagkokonekta sa bayan ng Maragusan at Nabunturan sa Davao de Oro dahil sa pag-apaw ng ilog doon.
Mayroon rin umanong naitalang nalunod sa baha sa bayan ng Manay, ngunit patuloy pa ang pag-validate ng OCD sa naturang impormasyon.
Sa buong Davao Region, nasa 32 na mga munisipalidad at syudad ang nagpatupad ng suspensyon ng klase, habang 14 na munisipalidad naman ang nagsuspinde ng trabaho
Ayon kay Dayanghirang, naka-posisyon na ang relief goods mula sa Department of Social Welfare and Development XI na nakatakdang ihatid sa mga apektadong lugar ngayong hapon at bukas ng umaga. | ulat ni Maymay Benedicto | RP1 Davao