Patuloy pa ring inaasistihan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga pamilya at indibidwal na naapektuhan ng bagyong Kabayan.
Ito ay sa kabila na ibinaba na ng PAGASA Weather Bureau sa low-pressure area ang Tropical Storm (TS) Kabayan.
Sa Central Visayas, tinulungan ng DSWD Field Office 7 ang mga stranded individual mula sa Cebu City at Dumaguete City, San Jose at Sibulan sa Negros Oriental.
Binigyan sila ng DSWD ng ready-to-eat packs, family food packs, at bottled water.
Tiniyak ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao na mino-monitor ng ahensya ang sitwasyon ng lahat ng affected local government units sa rehiyon.
Hanggang Disyembre 18, may 18,266 pamilya o 59,493 indibidwal sa 152 barangays sa Central Visayas Region, Northern Mindanao Region, Davao Region, at Caraga Region ang naapektuhan ng bagyo.
Sa nasabing bilang, 15,754 pamilya o 51,557 indibidwals ang nakakanlong sa 286 evacuation centers. | ulat ni Rey Ferrer