Mahigit 4,000 pamilya na naapektuhan ng nagdaang bagyong Falcon sa Hagonoy Bulacan ang nakatanggap na ng pinansyal na tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng tig P5,175 sa ilalim ng Emergency Cash Transfer o ECT.
Matatandaang nalubog sa baha ang mga residente sa nabanggit na lugar bunsod ng pananalasa ng bagyong Falcon na nagdala ng walang patid na ulan.
Tumanggap din ng cash aid ang nasa 2,900 na benepisyaryo mula sa mga munisipalidad ng Hermosa at Dinalupiham sa Bataan.
Aabot naman sa 2,942 na benepisyaryo ang nabigyan ng tulong pinansyal sa Moncada, Tarlac dahil pa rin sa idinulot na epekto ng bagyong Falcon.
Iginiit ng DSWD, na ang ECT program ay bahagi ng rehabilitation services ng departamento para sa mga pamilyang pinadapa ng kalamidad sa bansa. | ulat ni Rey Ferrer