Aprubado ni Philippine National Police (PNP) Chief, P/Gen. Benjamin Acorda Jr. ang pagbibigay ng Christmas at New Year’s break para sa kanilang mga tauhan.
Layon nito na mabigyan ng pagkakataon ang mga pulis na makasama ang kanilang pamilya sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Gayunman, sinabi ni PNP Public Information Office Chief, P/Col. Jean Fajardo na may nakalatag na kondisyon ang liderato ng pulisya para sa mga mag-aavail nito.
Aniya, maaari lamang umuwi ang mga pulis mula 5:00 ng hapon ng Disyembre 24 at 31 hanggang 5:00 ng umaga ng Disyembre 25 at Enero 1 ng susunod na taon.
Dapat din aniyang mag-report ang mga pulis sa mga himpilang malapit sa kanilang bahay upang matiyak na reresponde sila sa sandaling kailanganin ng pagkakataon.
Kasunod nito, muling pinaalalahanan ng PNP ang kanilang mga tauhan na iwasang magpakalasing at huwag gamitin ang kanilang mga pagmamay-aring baril sa pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon dahil mahaharap sila sa kaukulang parusa. | ulat ni Jaymark Dagala