Mga senador, nanawagan sa mga awtoridad na bigyan agad ng hustisya ang mga biktima ng pambobomba sa Marawi

Facebook
Twitter
LinkedIn

Mariing ikinagalit at kinondena ng mga senador ang nangyaring pambobomba sa Mindanao State University sa Marawi City.

Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, kawalan ng puso ang pambobomba sa isang grupo ng inosenteng mga sibilyan sa gitna ng isang misa.

Ikinalulungkot aniya ni Zubiri na makitang muli ang ganitong klase ng karahasan sa Marawi, ilang taon matapos ang naging kaguluhan sa lugar, at sa gitna ng kapayapaan sa ilalim ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ipinanawagan rin ng Senate leader ang pagkakaroon ng coordinated effort sa pagitan ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), at BARMM government para maibigay ang hustisya sa mga naging biktima ng insidente.

Nanawagan rin si Senate President Pro Tempore Loren Legarda sa pamahalaan at mga awtoridad na tiyakin ang kaligtasan ng publiko.

Ipinahayag ni Legarda na ang pambobombang nangyari sa isang religious occasion ay nagbibigay-diin sa pangangailangang magkaroon ng pagkakaunawaan at respeto sa magkakaibang relihiyon at paniniwala.

Kasabay nito, ipinahayag ng mga mambabatas ang kanilang pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi sa insidente at panalangin na bumuti ang kalagayan ng mga nasaktan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion

📸: Lanao del Sur Provincial Government

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us