Pinag-iingat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga driver ng awtorisadong mga sasakyang dumaraan sa EDSA busway.
Ito’y matapos masangkot sa aksidente ang isang police mobile na pumasok sa EDSA busway, dahilan upang bumangga naman sa railings ng MRT 3 ang dumaraang bus sa bahagi ng EDSA-Santolan southbound kamakalawa.
Dahil sa aksidente, nagresulta ito sa pagkakasugat ng 5 pasahero ng bus na umiwas lamang sa papasok na police mobile na napag-alamang mula sa Kampo Crame.
Ayon sa MMDA, bagaman pinapayagan naman ang mga police mobile na pumasok sa EDSA busway alinsunod sa kautusan ng Department of Transportation (DOTr), kailangang maging maingat at tiyaking walang kasabay na bus kapag papasok dito.
Maliban sa mga bus, maaaring pumasok sa EDSA busway ang mga police mobile basta’t reresponde sa emergency, mga trak ng bumbero, ambulansya at mga service vehicle ng mga manggagawa sa EDSA busway project.
Una na ring pinagtibay ng DOTr ang pagdaan ng convoy ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, Pangulo ng Senado, House Speaker at Punong Mahistrado ng Korte Suprema. | ulat ni Jaymark Dagala