Muling ipinaalala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na bawal dumaan sa EDSA busway ang mga siklista.
Ginawa ng MMDA ang paalala makaraang mag-viral sa social media kamakalawa ang pagdaan ng isang grupo ng mga siklista sa busway.
Ayon sa ahensya, lubhang napakadelikado para sa mga nagbibisikleta ang pagdaan sa busway lalo’t nakalaan ito sa mga bus na naghahatid ng mga pasahero para sa mabilis nilang biyahe.
Una nang naglabas ng dirketiba ang Department of Transportation o DOTr hinggil sa mga sasakyang exempted sa pagdaan sa busway.
Kabilang na rito ang mga ambulansya, PNP mobile na reresponde sa krimen o emergency gayundin ang mga service vehicle para sa mga tauhan ng EDSA busway project.
Pinapayagan din sa pagdaan sa EDSA Busway Project ang convoy ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, Pangulo ng Senado, House Speaker at Punong Mahistrado ng Korte Suprema. | ulat ni Jaymark Dagala