Muling tiniyak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na walang pasaherong maii-stranded sa kasagsagan ng panibagong tigil-pasada ng mga grupong PISTON at MANIBELA bukas at sa Biyernes.
Ayon kay MMDA Acting Chairperson, Atty. Don Artes, pinulong na ng tanggapan ng Executive Secretary ang Inter-Agency Council na siyang tututok sa epektong dulot nito sa mga pasahero.
Gayunman, nanindigan si Artes na hindi nila sususpindihin ang number coding scheme dahil napatunayan nang lalo lang lumala ang daloy ng trapiko kung gagawin nila ito.
Idagdag na rin diyan ang payday Friday sa Disyembre 15 kung saan, inaasahang dagsa ang mga motorista dahil sa Christmas rush shopping gayundin ang anticipated mass para sa tradisyunal na Misa de Gallo o Simbang Gabi. | ulat ni Jaymark Dagala