Kasama sa pinondohan sa ilalim ng panukalang P5.768 trillion 2024 National Budget ang bagong programa ng pamahalaan na AKAP o Ayuda sa Kapos ang Kita Program.
Ito ang ibinahagi ni Appropriations Committee Chair Elizaldy Co matapos aprubahan ng bicameral conference committee ang 2024 General Appropriations Bill.
Sa ilalim ng AKAP, ang mga tinatawag aniyang ‘near poor’ o yung mga kumikita ng P23,000 o mas maliit pa kada buwan ay paaabutan ng ayuda gaya ng construction worker, driver, factory worker at iba pa.
Nasa 12 milyong kabahayan aniya ang target beneficiary ng programa kung saan kada benepisyaryo ay paaabutan ng P5,000.
Hiwalay pa aniya ito sa social services na ibinibigay na ng pamahalaan gaya ng AICS, libreng pagpapagamot, quality hospital care at libreng gamot sa mga indigent. | ulat ni Kathleen Forbes