Pinangunahan ni National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben Tai ang pamamahagi ng P30.98 milyong halaga ng financial aid para sa higit 3,000 pamilya sa Palawan.
Bahagi ito ng patuloy na intervention ng NHA sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) para sa mga pamilya sa Palawan na nawalan o nawasak ang bahay dahil sa tumamang Super Typhoon Odette.
Alinsunod din ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na pagtuunan ng pansin ang pamamahagi ng tulong para sa mga pamilyang nasalanta ng kalamidad.
Isinagawa ang pamamahagi ng ayuda mula Dec. 4-5 kasunod ng ikalawang anibersaryo ng pagtama ng bagyo.
Ayon kay GM Tai, maaaring gamitin ng mga benepisyaryo ang pondo pandagdag sa pagpapaayos ng kanilang mga nasirang tahanan.
“Tanggapin po ninyo ang munting halagang aming dala ngayong araw bilang pandagdag sa pagpapaayos ng inyong mga tahanan at sa iba pang gastusin. Hangad po namin sa NHA ang inyong kaligtasan at isang komportableng buhay,” ani GM Tai.
Bukod sa pamamahagi ng EHAP, nakibahagi din ang NHA sa Lab for All service caravan ni First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos na ginanap naman sa Provincial Capitol Convention Center sa Puerto Princesa, Palawan.
Sa naturang caravan, ibinahagi ng NHA ang impormasyon tungkol sa mga programang pabahay ng ahensya at nagbigay ng limang housing units si GM Tai sa mga maswerteng benepisyaryo sa caravan. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📷: NHA