Naaresto ng mga tauhan ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) at lokal na Pulisya ang isang online seller ng ipinagbabawal na paputok sa entrapment operation kagabi sa Brgy. 230, Tondo Manila.
Kinilala ni ACG Cyber Response Unit Chief Police Lt. Col. Jay Guillermo ang arestadong suspek na si Victoria So, 23, walang trabaho, at residente ng naturang barangay.
Ayon kay Guillermo, inilunsad ang entrapment operation kasunod ng aktibong cyberpatrolling ng Manila District Anti-Cybercrime Team (MDACT), kung saan na-monitor nila na nagbebenta ng ipinagbabawal na paputok ang suspek sa FB Marketplace.
Narekober sa arestadong suspek ang 10 ream ng paputok na PLA-PLA, boodle money, at cellphone.
Dinala ang suspek sa Manila District Anti-Cybercrime Team Office sa Manila Police District Headquarters, para sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act No. 7183 o “An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution, and Use of Firecrackers and Pyrotechnic Devices,” kaugnay ng Sec. 6 ng R.A. No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012. | ulat ni Leo Sarne
📸: ACG