Sinuspinde ng 90 araw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng Ceres bus company, matapos mahulog sa bangin ang isang unit nito sa bayan ng Hamtic, Antique na ikinasawi ng maraming pasahero.
Iniutos ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III ang pagsuspinde sa lahat ng bus units ng kumpanya na bumibiyahe sa lugar gayundin ang agarang imbestigasyon sa aksidente.
Kaugnay nito, nagsagawa na rin ng site inspection ang LTFRB at nakipag-ugnayan sa insurance company para mabayaran ang mga biktima.
Bumuo na ng inter-agency team ang LTFRB, Land Transportation Office, at Department of Transportation para maimbestigahan ang insidente.
Batay sa ulat, 53 ang sakay ng bus nang mahulog sa bangin at karamihan sa pasahero ang namatay.
Inaalam din ng LTFRB ang ulat na ang lugar ng pinangyarihan ay kaparehong lugar kung saan nahulog din ang isang Ceres bus, na ikinamatay ng dalawang pasahero ilang taon na ang nakalilipas. | ulat ni Rey Ferrer