Patuloy sa pagsasagawa ng reach out operations ang Oplan Pag-Abot Team ng Department of Social Welfare and Development para sa mga indibidwal at mga pamilyang palaboy sa lansangan.
Katunayan, muli itong nag-ikot sa Metro Manila sa araw ng Pasko, December 25 para matulungan ang mga bata, indibidwal at pamilya, kasama na rin ang ilang katutubo, na nasa lansangan at upang mailayo sila sa kapahamakan.
Bahagi pa rin ito ng special operations na Pag-abot sa Pasko na tatagal hanggang December 31.
Dinala ang mga naabot ng mga social worker sa satellite processing center sa EDSA cor. White Plains Avenue, QC.
Dito, sumalang ang mga ito sa profiling para sa kanilang national ID at gayundin sa assessment para matukoy ang pangangailangan ng ‘families and individuals in street situations. (FISS).
Kaugnay nito, patuloy namang hinihikayat ng DSWD ang mga interesadong mga indibidwal at grupo na nais magsagawa ng gift giving activities sa mga FISS na magtungo lamang sa kanilang processing center. | ulat ni Merry Ann Bastasa