Inaasahang mararating na ng rescuers ngayong araw ang crash site ng Piper RPC 1234 sa bisinidad ng Brgy Casala, San Mariano, Isabela.
Ito’y matapos na ibaba ng Philippine Air Force (PAF) Sokol helicopter sa pamamagitan ng hoist operation ang mga Air Force parajumper at miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) malapit sa crash site ngayong umaga.
Sa kabila ng bulubunduking kalupaan, matataas na puno at malakas na hangin, matagumpay na nakamaneobra ang mga piloto para maibaba ang mga rescuer sa distansyang ilang daang metro lang mula sa bumagsak na eroplano.
Ayon kay Philippine Air Force Spokesperson Col. Maria Consuelo Castillo, ang Sokol helicopter ay may kasamang Huey Helicopter sa isinagawang search and rescue operation ng PAF.
Sinabi ni Col. Castillo na magbibigay ng pag-uulat ang Incident Management Team kaugnay ng kalagayan ng piloto at pasahero ng bumagsak na eroplano, sa oras na makarating na sa lugar ang mga rescuer. | ulat ni Leo Sarne