Iginiit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na imposible at labag sa konstitusyon ang pag-amyenda ng saligang batas ng walang partisipasyon ng Senado.
Ang pahayag na ito ni Pimentel ay kasunod ng mga ideya ng ilang kongresista na isulong ang charter change (chacha) nang walang partisipasyon ng Mataas na Kapulungan.
Sinabi ng minority leader na ang ganitong pag-asta mula sa mga kongresista ay magtutulak lang lalo na hindi suportahan ng Senado ang chacha.
Binigyang diin rin ng senador na ang ginagawa ng mga mambabatas sa Kamara ay nakaka-distract lang sa pagharap ng bansa sa mga totoong problema ng sambayanang Pilipino.
Sa ngayon, sinabi ni Pimentel na minorya pa lang mga senador ang sumusuporta sa chacha. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion