Nag-abiso na ngayon ang pamunuan ng NLEX-SCTEX sa mga motorista sa inaasahang pagbigat ng trapiko sa expressway dahil sa dagsa ng mga motoristang bibiyahe palabas ng Metro Manila para sa holiday season.
Ayon sa NLEX, simula bukas, December 22 ng tanghali ay magsisimula nang maramdaman ang high traffic volume sa major toll plazas partikular sa Balintawak, Mindanao at Tarlac.
Maaaring magtagal ito hanggang sa gabi ng December 23.
Inaasahan rin ang mas malaking volume ng sasakyan sa bahagi ng Tarlac toll plaza sa December 25 at 26 at sa Bocaue mula hapon hanggang gabi ng December 25 at 26.
Una nang tiniyak ng NLEX na magdaragdag ito ng karagdagang 1,500 personnel para matugunan ang inaasahang mas malaking traffic volume mula Biyernes.
Hinihikayat naman ang mga motoristang dadaan sa NLEX na bumiyahe sa non-peak hours upang maiwasan ang mahabang trapiko at delay. | ulat ni Merry Ann Bastasa