Patuloy pa rin ang paghahanap ng rescue teams sa nawawalang Piper Cherokee plane RP-C1234 sa kabundukan ng Sierra Madre sa lalawigan ng Isabela.
Sa pinakahuling ulat ng Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management Council, may mga nagsasagawa na ng ground search sa bahagi ng San Mariano, Dinapigue at Palanan, Isabela na posibleng kinaroroonan ng nasabing eroplano.
Nabatid na isang search and rescue team ang nagtungo sa Brgy. Didian, Palanan na kinabibilangan ng Municipal DRRMO Palanan, PNP, BFP, Philippine Army, at civilian volunteers, habang isang team naman mula sa Isabela Provincial Mobile Force Company ang nagtungo sa Barangay Casala, San Mariano.
Pahirapan din umano ang paghahanap dahil patuloy ang pag-uulan sa mga lugar na posibleng kinaroroonan ng nasabing sasakyang-panghimpapawid.
Ayon naman kay Josh Hapinat, ang tagapagsalita ng Incident Management Team, inaasahang sasabayan din ng pagsasagawa ng aerial search ang ground search ngayong araw, kung sakali mang maganda na ang sitwasyon sa lugar.| ulat ni April Racho| RP1 Tuguegarao