Malaking hakbang sa pagsulong ng Bangsamoro Peace Process ang “integration” bilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) ng 294 na dating mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF).
Ito ang inihayag ni Office of the Presidential Adviser for Peace Reconcilation and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr. nang manumpa sa tungkulin ang mga naturang bagong pulis sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) Headquarters kahapon.
Ang pagpapanumpa sa tungkulin ng ikalawang batch ng MILF-MNLF PNP-recruits na nakapasa sa NAPOLCOM Special Qualifying Eligibility (NSQE) exam ay pinangunahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., na siya ring Chairperson ng National Police Commission (NAPOLCOM).
Sinabi ni Galvez na ang okasyon ay makasaysayan dahil nakumpleto na ng mga dating-miyembro ng MILF at MNLF ang kanilang pagbabagong-anyo, mula sa pagiging rebelde na naging produktibong sibilyan, at ngayon ay “peacekeeper” na bilang miyembro ng PNP.
Ayon kay Galvez, ang okasyon ay simbolo ng commitment ng pamahalaan, MILF at MNLF na isulong ang kapayapaan sa Bangsamoro. | ulat ni Leo Sarne
📸: OPAPRU