Inendorso na sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na layong buuin ang Negros Island Region (Senate Bill 2507).
Isinusulong ang naturang panukala para mahiwalay ang mga probinsya, siyudad, munisipalidad at mga barangay ng Negros Occidental, Negros Oriental at Siquijor mula sa Region 6 at Region 7.
Sa kasalukuyan, kahit nasa iisang malaking isla ang negros occidental at Negros Oriental ay magkaiba naman ang nakakasakop na rehiyon dito.
Samantalang ang Siquijor ay malayo sa kapitolyo ng rehiyon sa Cebu.
Kaya naman para maresolba ang pagiging kumplikado ng set-up ng Negros island ay pinapanukalang pagsamasamahin sila sa isang hiwalay na rehiyon, ang Negros Island Region.
Ayon sa sponsor ng panukalang ito sa Senado na si Senate Committee on Local Government chairman JV Ejercito, sa pamamagitan nito ay mas mailalapit ang gobyerno sa mga residente ng Negros at Siquijor.
Dinagdag rin ni Ejercito na magreresulta rin ito sa mas pinabuting peace and order sa Negros, kabilang na ang mas maayos at maigting na paghuki sa mga illegal loggers at poachers sa isla. | ulat ni Nimfa Asuncion