Umapela si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng pagkakaisa ngayong muling nahaharap ang bansa sa isa na namang hamon kasunod ng naranasang 7.4 magnitude earthquake sa Mindanao.
Ayon sa Pangulo, sa pamamagitan ng pagbubuklod ay sama-samang mapagtatagumpayan ang anumang balakid o hadlang na idinulot ng tumamang kalamidad.
Tiyak aniyang makakabangon tayo at mas magiging malakas pa at matatag mula sa kasalukuyang kinakaharap na sitwasyon dulot ng panibagong pagyanig na tumama na naman sa bansa.
Sa harap nito’y tiniyak ng Pangulo na kapwa kumikilos ang DSWD at DILG para makipag-ugnayan sa local government units at mula doon ay magpaabot ng kailangang tulong sa mga nangangailangang biktima ng paglindol sa Mindanao.
Kamakailan lamang ay tumama din ang 6.8-magnitude earthquake sa lalawigan ng Sarangani na kung saan ay siniguro din ng Presidente ang kailangang tulong para sa mga naperwisyo ng kalamidad. | ulat ni Alvin Baltazar