Mula alas-10:43 kagabi hanggang alas-5:28 kaninang madaling araw, umabot na sa 66 aftershocks ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) matapos ang malakas na lindol sa Hinatuan, Surigao del Sur.
Labing dalawa sa mga aftershocks ay may lakas na magnitude 4.2 hanggang 6.2.
Bandang alas-10:37 kagabi nang yanigin ng magnitude 7.4 earthquake na kalaunan ay ibinaba sa 6.9 magnitude ang bayan ng Hinatuan sa Surigao del Sur.
Natunton ang epicenter ng lindol sa bahagi ng karagatan na may layong 30 kilometro sa Hilagang Silangan ng Hinatuan.
Ramdam ang pagyanig sa maraming lugar sa Mindanao at maging sa ilang lugar sa Visayas, Catanduanes at Sorsogon sa Luzon.
Pinakamalakas na naramdaman ang intensity 7 sa Tandag, Surigao del Sur, intensity 6 sa Bislig Surigao Del Sur at Intensity 5 sa Cagayan de Oro City, Nabunturan, Davao de Oro at Davao City.
Kasunod nito naglabas ng tsunami alert ang PHIVOLCS at pinalikas ang mga residente sa coastal areas ng Surigao del Sur at Davao Oriental.
Dakong alas-3:23 ng madaling araw kanina nang maglabas na ng Cancellation of Tsunami Warning ang PHIVOLCS. | ulat ni Rey Ferrer