Pinangunahan ngayong umaga ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr., ang pag-iinspeksyon sa mga tindahan ng paputok sa Bocaue, Bulacan, bilang bahagi ng paghahanda sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Kasama ni Gen. Acorda sa pagbisita sa tinaguriang “Fireworks Capital of the Philippines” si Police Regional Office 3 (PRO3) Regional Director Police Brig. General Jose Hidalgo Jr., Bulacan Governor Daniel Fernando at ilan pang opisyal.
Ayon kay Gen. Acorda, layon ng isinagawang inspeksyon na masigurong walang mga ipinagbabawal na mga paputok na binebenta rito.
Responsibilidad aniya ng PNP na tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng publiko habang papalapit ang pagdiriwang ng Bagong Taon.
Sinabi pa ng PNP Chief na ang PNP, LGUs at iba pang katuwang na ahensiya ng pamahalaan ay naninindigan sa mahigpit na pagpapatupad ng mga batas dahil hangad nila ang mas ligtas at masayang bagong taon para sa lahat. | ulat ni Leo Sarne