Nagbabala ngayon ang Philippine National Police – Firearms and Explosives Office (PNP-FEO) laban sa mga nagbebenta ng iba’t ibang ipinagbabawal na paputok online
Ayon kay Police Lieutenant Arturo Garingan ng PNP-FEO, lubha kasing peligroso ang pagbili ng mga naturang paputok, hindi lamang ang paggamit nito kung hindi maging ang paghahatid nito.
Kasunod niyan, sinabi ni Garingan na nakikipag-ugnayan na sila sa PNP Anti-Cybercrime Group upang matukoy kung sino-sino ang nagbebenta ng mga ipinagbabawal na paputok online upang mapanagot sa batas.
Paalala rin ng PNP sa publiko, huwag gumamit ng mga iligal na paputok gaya ng Goodbye Hamas, Goodbye Philippines, Goodbye Napoles, Goodbye Delima, Goodbye Bading, Super Lolo, Mother Rocket.
Gayundin ang Boga, Piccolo, Watusi, Coke in Can, Giant Whistle Bomb, Giant Bawang, Atomic Bomb, Large Judas Belt, Plapla, Five Star, Kabasi at Hello Columbia.
Gumamit lamang ng mga lehitimong pailaw at paputok na may Philippine Standard o PS mark at Import Comodity Clearance o ICC.
Sakaling mapatunayang nagbebenta, bumibili at gumagamit ng iligal na paputok, mahaharap sila sa kaukulang kasong paglabag sa RA 7183, multa na ₱20,000 hanggang ₱30,000 at pagkakulong ng hindi bababa sa isang taon. | ulat ni Jaymark Dagala