Inaprubahan na ng Bicameral Conference Committee ng Kamara at Senado ang panukalang 2024 national budget.
Ayon kay Senate Committee on Finance Chairperson Sonny Angara, sa bersyon ng panukalang pondo tuluyan nang inalis ang confidential and intelligence fund (CIF) sa civilian agencies.
Ayon kay Angara, inilipat ang alokasyon para sana sa CIF fund ng civilian agencies sa pondo ng security forces ng bansa.
Kabilang na dito ang pagdadagdag ng pondo para sa Philippine Coast guard (PCG) at para sa Department of National Defense (DND).
Tinanggap rin aniya ng bicam panel ang special provision, na pinanukala ni Senator Risa Hontiveros na nagbabawal na maglipat ng pondo mula sa contingent fund patungo sa pondo ng ibang ahensya ng gobyerno.| ulat ni Nimfa Asuncion