Nais ni Senate President Juan Miguel Zubiri na magkaroon ng survey para malaman ang pulso ng taumbayan kaugnay ng isinusulong na charter change (cha-cha) o pag-amyenda sa Saligang Batas.
Ang pahayag ng lider ng Senado ay kasunod ng plano ng Kamara na buhayin ang cha-cha.
Dapat aniyang isang mapagkakatiwalaang pollster ang magsagawa ng survey para malaman ang sentimyento ng publiko tungkol sa cha-cha.
Sinabi rin ni Zubiri na hihintayin muna ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang resulta ng gagawing pag-aaral ng Malacañang sa cha-cha bago nila ito talalayin.
Aminado ang Senate president na nagiging mahirap ang pag-usad ng cha-cha sa Senado dahil ang ilan aniya nilang kasamahan ay kung hindi pabor sa cha-cha ay bukas dito pero hindi pabor sa paggalaw sa term limits ng mga opisyal ng pamahalaan.
Matatandaang maliban sa isinusulong sa Kamara, binuhay na rin sa Senado ang usapin ng cha-cha sa pamamagitan ng resolusyong inihain ni Senador Robin Padilla, kung saan nakapaloob ang panukalang amyenda sa political provisions ng Saligang Batas. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion