Nais ni Deputy Majority Leader at ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo na i-deploy sa West Philippine Sea ang mga asset ng Pilipinas gaya ng fighter jets at navy ships para mag-patrolya doon.
Bunsod pa rin ito ng insidente ng pambobomba ng water canon ng Chinese Coast Guard sa mga barko ng Philippine Coast Guard, BFAT at inarkilang bangka ng AFP para sa resupply mission.
Aniya, masasayang lang ang biniling fighter jets ng bansa sa South Korea kung nakatengga lang ito sa mga airbase.
Panahon na rin aniyang ilipat ang navy ships sa West Philippine Sea para doon mag-patrolya at hayaan ang Philippine Coast Guard na magbantay sa iba pang katubigan ng bansa.
Diin ni Tulfo, hindi naman ibig sabihin nito na kinokompronta o nais makipag giyera ng Pilipinas sa China.
Pagpapakita lamang aniya ito na hindi patitinag ang bansa sa pag-depensa at pag-tindig sa ating soberanya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes