Patuloy ang paghahanda ng Philippine National Police (PNP) para sa seguridad ng Pista ng Itim na Nazareno sa January 9.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief at Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, magpapatupad ang PNP ng istriktong intelligence monitoring kasunod ng insidente ng pambobomba sa Mindanao State University sa Marawi.
Bagama’t wala aniyang na-monitor na seryosong banta sa seguridad, ngayon pa lang ay naglatag na ng “pre-emptive measures” ang PNP para maiwasan ang anumang di kanais-nais na pangyayari.
Kasama dito ang pagpapakalat ng K-9 Units sa Quiapo Church at sa dadaanan ng prusisyon ng Itim na Nazareno.
Patuloy din aniya si Manila Police District (MPD) Director Colonel Arnold Thomas Ibay sa pagsasagawa ng simulation exercises, communication exercises, at walk through sa ruta ng Traslacion, simula sa Quirino Grandstand sa Rizal Park hanggang sa Quiapo Church sa Quezon Boulevard. | ulat ni Leo Sarne