Umaapela ngayon ang United Sugar Producers Federation (UNIFED) ng tulong sa pamahalaan sa gitna ng patuloy na bumababang presyo ng asukal na nakakaapekto na aniya sa mga sugar producer lalo na sa mga maliliit na magtutubo.
Sa isang pahayag, sinabi ni UNIFED President Manuel Lamata na umaasa itong mabibigyang tugon nina Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. ang kinahaharap ngayon ng mga sugar farmer.
Tinukoy nitong sa nakalipas na dalawang linggo lang, bumaba sa ₱2,300 hanggang ₱2,500 ang bentahan ng asukal kada bag sa Negros at Bukidnon, malayo na sa ₱3,200 na presyuhan nito noong nakaraang taon.
Giit ni Lamata, nakababahala ito para sa sugar farmers dahil mas mababa rin ang mill gate price ngayon kumpara sa kanilang production costs.
Bukod dito, wala rin aniyang pagbabago sa retail price ng asukal na nakapako sa ₱80-₱85 kada kilo, dahilan kaya wala nang kinikita ang mga magsasaka.
“This is very disconcerting because mill gate prices are now at ₱50 per kilo which is way lower than our production costs. Moreover, retail prices continue to remain at ₱80 to ₱85 per kilo and the farmers are clearly not profiting from the local market prices,” ani Lamata.
Dagdag pa nito, problema rin sa kanila ang pagtaas sa presyo ng krudo at fertilizer.
Hirit nito sa gobyerno na matulungan ang industriya na hindi tuluyang malugi.
“We know President Marcos’ heart is with and for the farmers as he has told us so, and we are calling for his intervention on this matter,” panawagan ni Lumata. | ulat ni Merry Ann Bastasa