Nagsagawa ng water level monitoring ang Talomo Police Station sa Davao City ngayong gabi, Disyembre 18, 2023 bunsod ng malakas na buhos ng ulan dala ng nalusaw na Tropical Depression #KabayanPH na ngayo’y ganap na low pressure area (LPA) na lamang.
Sa mensaheng ipinadala ni Davao City Police Office (DCPO) Spokesperson Capt. Hazel Tuazon sa Radyo Pilipinas Davao, inikot ng kapulisan ang ilang mga tulay sa ilalim ng nasabing stasyon para agad na makapgsagawa ng pre-emptive evacuation kung aabot na ito sa critical level.
Ilan sa ininspeksyon ng kapulisan ang Taal Bailey Bridge at Ulas Bridge sa Bangkal, kung saan dito dumadaloy ang mga ilog ng Matina at Talomo.
Base sa General Flood Advisory ng DOST-PAGASA, napabilang ang Matina River at Talomo River sa may posibilidad na umapaw dahil sa lakas ng buhos ng ulan.
Sa ngayon, nanantiling normal pa ang sitwasyon at wala pang anumang insidente na natala.| ulat ni Armando Fenequito| RP1 Davao