Maliban sa mga iligal na nagbebenta ng paputok online at iba’t iba pang modus ng mga kawatan, binabantayan din ng Philippine National Police – Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) ang tinatawag na tour scam.
Ito, ayon sa ACG, ay dahil sa inaasahang kaliwa’t kanan ang booking sa social media ng mga Airbnb, Hotel, Resort at staycation houses para doon salubungin ang Bagong Taon.
Kapansin-pansin kasi sa mga social media platform ang ginagawang legit checking ng ilan nating kababayan sa mga indibidwal na kanilang nakakausap hinggil sa mga lugar kung saan nila nais manatili ngayong holiday season.
Gayundin sa mga nagpapakilalang ahente ng mga travel agency na bagsak presyo kung mag-alok ng mga tour package gayundin ng airline bookings gamit ang sarili nilang social media account.
Ayon kay PNP-ACG Cyber Response Unit Chief, Police Colonel Jay Guillermo, dapat maging mapanuri ng publiko sa mga katransaksyon online lalo’t hindi sila nakasisiguro sa tunay na pagkakakilanlan nito.
Magugunitang naglabas na rin ng paalala ang Antipolo City Police sa tinawag nilang Staycation Modus kung saan, ninanakawan naman ng mga nagpapanggap na kliyete ang mga staycation house na kanilang tinutuluyan. | ulat ni Jaymark Dagala