Naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang “mastermind” sa pagpatay noong Nobyembre 30 ng Barangay Chairwoman ng Plastado, Gerona, Tarlac na si Editha Zarzuela at kanyang asawang si Edgar Zarzuela.
Kinilala ni CIDG Director Police MGen. Romeo Caramat Jr. ang arestadong suspek na isang Jessie Mendoza.
Naaresto si Mendoza dahil sa paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Law) at RA 9516 (Illegal Possession of Explosives) sa pagapapatupad ng search warrant sa Gerona Tarlac kahapon ng umaga.
Nakuha sa pag iingat nito ang calibre .45 pistol, mga live ammunition, granada at iba pa.
Ayon kay Caramat ang matagumpay na operasyon ay resulta ng impormasyong ibinunyag ng unang naarestong gunman na si Marlon Cunanan na kay Mendoza niya itinurn over ang baril at motorsiklo na ginamit sa krimen.
Nabatid na ang motibo sa pagpaslang sa mga biktima ay dahil kakumpetensya nito ang suspek sa pagbebenta ng lupa sa kanilang lugar.
Agad namang dinala ang suspek sa Provincial Prosecutor, Hall of Justice, Tarlac City, para sa pagsasampa ng kaukulang kasong kriminal. | ulat ni Leo Sarne