Higit 2,000 benepisyaryo sa Naga City, Cebu ang naabutan ng tulong mula sa Office of the Vice President (OVP) ngayong araw.
Hindi bababa sa 500 public utility vehicle drivers mula sa tatlong kooperatiba ang nakatanggap ng P2,000 bawat isa sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
Samantala, nasa 400 kababaihan at senior citizens ang nakatanggap ng P4,300 bilang benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced workers (TUPAD) program.
Ipinamahagi ang AICS at TUPAD sa Tuyan Central Elementary School sa Barangay Tuyan, Naga City, Cebu.
Nasa 1,340 indibidwal naman ang nabigyan ng pamaskong handog mula sa OVP kung saan laman ng eco bag ang 10 kilo bigas at grocery items na pang Noche Buena.
Ito naman ay ipinamahagi sa ECAC Activity Center, East Poblacion, Naga City.
Sa kaniyang mensahe, nanawagan ang bise presidente ng kapayapaan, pagkakaisa, at pagtutulungan sa lahat.
Hinimok din ni Vice President Sara Duterte ang mga magulang na turuan ang mga kabataan na pahalagahan ang edukasyon, maging ng pag-iwas sa mga taong may intensyong sirain ang kaayusan at kapayapaan ng Pilipinas.
Ang pondo para sa mga nasabing ayuda ay mula sa OVP, at ipinamahagi sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development para sa AICS at Department of Labor and Employment para sa TUPAD program. | ulat ni Jessa Agua-Ylanan | RP1 Cebu