Nasawi ang isang miyembro ng NPA sa pakikipaglaban sa mga tropa ng 23rd Infantry (Masigasig) Battalion sa Sitio Calaitan, Brgy. Simbalan, Buenavista, Agusan del Norte kahapon.
Ayon kay 23IB Commander Lt. Col. Jeffrey P Balingao, nangyari ang engkwentro matapos rumesponde ang mga tropa sa sumbong ng mga lokal na residente tungkol sa presensya ng mga teroristang komunista sa kanilang lugar.
Makalipas ang 10 minutong bakbakan, narekober ng mga tropa sa encounter site ang labi ng nasawing NPA na inabandona ng mga nagsitakas niyang kasamahan.
Kasama sa narekober ng mga tropa ang dalawang M16 rifles, isang cal .30 carbine, mga personal na kagamitan at subersibong dokumento.
Pinuri naman ni 402nd (Stingers) Infantry Brigade Commander Brigadier General Adonis Ariel G. Orio ang mga tropa sa matagumpay na operasyon, na aniya’y patunay ng dedikasyon ng mga sundalo sa pagsusugal ng kanilang buhay para mapanatili ang kapayapaan sa mga komunidad. | ulat ni Leo Sarne