Nasa animnapung distrito na ang nakakuha ng sapat na bilang ng pirma para sa itinutulak na People’s Initiative.
Ito ang sinabi ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda sa isang ambush interview.
Aniya, ang 60 districts na ito ay nakakuha na ng 20% na pirma.
Batay sa saligang batas, kalaingang makakuha ng 12% ng kabuuang bilang ng botante sa buong bansa para ito ay isulong kung saan kada distrito ay dapat makakuha ng 3% representation mula sa kabuuang registered voters doon.
Katunayan, maging ang distrito ni Albay 1st district Rep. Edcel Lagman, nakapagtala ng 12.2% na bilang ng pirma pabor sa PI.
Ito ay kahit pa, tinututulan ni Lagman ang naturang inisyatiba.
Aminado naman si Salceda na may 20 distrito ang mahihirapang makakuha ng sapat na pirma.
Gayunman, nanindigan ang Ways and Means Committee Chair na kahit pa naghain na ang Senado ng hakbang para sa Charter Change ay hindi dapat tapusin o putulin ang tumatakbo nang People’s Initiative.| ulat ni Kathleen Forbes