Ilang Isabeleño pa ang maidadagdag na mabigyang-kasanayan sa pagsasaka sa bansang South Korea.
Sa isinagawang screening ng mga opisyal ng Jinan County sa kapitolyo, 123 mula sa 244 na magsasaka na nagmula naman sa 27 munisipalidad at dalawang siyudad sa lalawigan ang nakapasa para sa pagpapatuloy ng Seasonal Farmers Internship Program ng Provincial Government.
Sakop ng screening na pinangunahan ni Jae-Min Cheong, Director ng Agricultural Policy ng Department of Jinan County, ang komprehensibong personal interviews at assessments, na nakatuon sa physical agility.
Bukod sa mabibigyan ng ‘firsthand experience’ sa advanced agricultural technology at kakaibang farming techniques na ginagawa sa Jinan County, South Korea, nabatid na ang pakikibahagi sa Seasonal Farmers Internship Program ay masisiguro pa ang karagdagang source of income para sa kanilang mga pamilya.
Samantala, sasailalim pa ang mga ito sa karagdagang interviews ng pamahalaang panlalawigan, kung saan sa bahaging ito ay mahigpit din silang pinapaalalahanan na huwag pumasok sa anumang TNT (tago nang tago) activities habang nag-iintern sa South Korea.
Maaalalang sa unang bahagi ng pagpapatupad ng internship program, ilang benepisyaryo ang hindi nakatapos sa kanilang pagsasanay makaraang umalis sa programa pagdating sa South Korea.| ulat ni April Racho| RP1 Tuguegarao